Abante Tonite Interactive

Praning nang-hostage sa Red Ribbon

By
4,594

Sumiklab ang tensiyon sa isang sangay ng sikat na bakeshop makaraang i-hostage at tutukan ng barbecue stick sa leeg ng isang lala­king napra­ning ang isang 5-anyos na paslit sa loob ng Red Ribbon Bakeshop sa Quezon City kahapon ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Rodolfo Ramos Jr., ng QCPD Anonas Police Station 9, bigla na lamang umanong dinamba ng suspek na nakilalang si Emmanuel Viyo Villoza, 47-anyos, residente ng Benitez St., Arayat, Cubao ang hindi pinangalanang paslit na lalaki na residente ng Brgy. Quirino 2A, ng nasabing lungsod na noon ay nasa harapan ng bakeshop sa Aurora Blvd., Anonas, QC.

Sinasabing nangyari ang hostage-taking ­bandang alas-9:30 ng umaga kahapon.

Nagulat na lamang umano ang ilang saksi sa pangyayari nang biglang damputin ng suspek na tila napapraning ang batang lalaki at tinutukan sa leeg ng barbecue stick habang nakatayo sa harap ng bakeshop.

Ipinasok ng suspek ang bata sa stockroom ng Red Ribbon habang nakatutok pa rin ang stick sa leeg ng umiiyak na bata kaya agad na nilang ipinagbigay-alam sa Anonas Police ang insidente.

Agad namang rumes­ponde ang mga pulis-Anonas at matapos ang isa’t kalahating oras na negosasyon, at nang makitang dumudugo na ang leeg ng bata, ay nakakuha ng pagkakataon ang mga awtoridad at dinakma ang suspek at nailigtas ang biktima.

Isinugod ang biktima sa World Citi Colleges Medical Center matapos na magtamo ng bali at malalim na sugat sa leeg.

Ang suspek naman ay dinala sa Anonas Police Station para isailalim sa imbestigasyon.