Abante Tonite Interactive

Preemptive move o probokasyon?

By
320

Parang ‘New Year’s celebration’.

Ito ang paglala­rawan ng mga diplomatang Filipino na nakatalaga sa Damascus, Syria, nang magpaka­wala ng ‘missile’ ang Estados Unidos at mga kasapakat na Pransiy­a at United Kingdom.

Target ng ‘missile strike’ ay mga instalasyon at pasilidad na gumagawa at pinag-iimbakan ng mga sandatang kemikal.

***

Ayon sa Department of Foreign Affairs, mahigit sa 1,000 Filipino­ ang nasa Syria. 500 ang nasa Damascus at ang iba naman ay nagkalat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa DFA, pa­tuloy ang pangangalap ng impormasyon sa kalagayan ng mga Filipino sa Syria at pinayuhan ang mga ito na manatili sa kanilang mga bahay.

***
Ano ba ang dahilan at pinaulanan ng ‘missile’ ang Damascus?

Ayon kay US Pre­sident Donald Trump, matigas ang ulo ng Syria.

Pinagsabihan na pero patuloy pa rin sa paggawa at pag-imbak ng sandatang kemikal.

Pinabulaanan naman ni Syrian President Bashar Assad ang akusasyon ng Estados Unidos at mga kaalyado.

Ayon kay Trump, isang ‘preemptive strike’ ang pagpapakawala ng missile.

Nagbanta pa na may susunod na pag-atake, kapag hindi tumalima ang Damascus sa ‘dikta’ ng Washington at mga kaalyado.

***
Bago pa man mangyari ang bantang ikalawang atake sa Syria, habang maaga pa, dapat ay mailikas na ang mga Filipinong naroon.

Kung may mga mercy mission nang isinasagawa ang gobyerno sa mga OFW sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Silangan, ikonsidera na ang sitwasyon ng mga kababayan natin sa Syria.

Habang may oras pa ay agad kumilos.

Hindi na masasabing normal ang sitwasyon ngayon sa Syria matapos ang ‘missile attack’.

Ang karanasan ng Iraq at Libya ay dapat maging batayan ng gobyerno ng Pilipinas kapag OFW na ang pinag-uusapan.

***
Anumang oras ay maaaring sumiklab ang gulo sa rehiyon resulta nang pag-atake ng Estados Unidos at mga kaalyado.

Hindi lamang Syria ang sangkot, nagsalita na rin ang Moscow at Teheran. Hindi nila gusto ang nangyari.

Kung sa Estados Unidos ay ‘preemptive strike’, ang isinagawang­ pag-atake sa Syria, tinawag naman ito ng Moscow at Teheran na ‘provocative’ o isang probokasyon.

Banta ito sa kapa­yapaan at ang Pilipinas ay apektado, gustuhin man o hindi dahil sa ating mga OFW.

***
Sa mga kaibigan at kakilala ni Linda ‘Inday’ Olaguer-Montayre siya po ay pumanaw na.

Sa mga gustong makita ang labi ni Mam Linda heto po ang de­talye mula sa kanyang mga naulila.

Good day. You may pay your last respects to our mom, Dai Olaguer-Montayre, from 7pm yesterday April 15, 2018 at Rm114, 296 St. Peter Chapels, Quezon Ave., QC. until Wednesday morning, April 18.

She will also have ­another wake at Chapel B, Christ the King Greenmeadows from Wednesday night, April 18 until Saturday April 21.

Funeral mass will also be on Saturday. Thank you.