Abante Tonite Interactive

Presidential emergency powers solusyon sa mabagal na internet

0 256

Naghain ng panukalang batas sa Kamara si Albay Rep. Joey Sarte Salceda na naglalayong ideklarang ‘national emergency’ ang mabagal na internet sa bansa at bigyan ng ‘emergency powers’ si Pangulong Duterte sa loob ng dalawang taon upang matugunan at masolusyunan ang suliranin.

Sa ilalim ng House Bill 9161, ang ‘Internet Speed and Connecti­vity Emergency Act of 2019,’ bibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na gawin ang mga dapat na hakbang na hindi haharangin ng anumang umiiral na batas o mga panuntunan para kaagad malutas ang problema sa mabagal na internet na itinuturing na “isa sa mga nakaambang bagyong didiskaril sa pagsulong ng bansa,” kasama ang suliranin sa tubig at kur­yente.

Ayon kay Salceda, sa pamamagitan ng ‘emergency powers,’ dapat maisaayos ng Pangulo ang mga regulasyon sa pagtatatag ng mga imprastraktura at cell sites na akma sa dami ng populasyon at likas na geography ng bansa, at pagtugmain ang mga proyekto sa komunikasyon ng pambansa at mga lokal na pamahalaan, na hindi gagambalain ng umiiral na mga batas.