Abante Tonite Interactive

Preso ng MPD tigok sa bugbog

327

Nasawi ang isang 35-anyos na lalaking­ preso matapos umanong bugbugin ng mga kapwa bilanggo sa detention cell ng Manila Police District-Station 4 sa Sampaloc, Maynila Linggo nang umaga.

Isinugod pa sa Ospital ng Sampaloc pero nalagutan din ng hininga habang ginagamot ang biktimang si Billy James Jardiel y Quesada, may-asawa at nakatira sa 1331 Quintos St., Sampaloc, Maynila.

Hindi pa pinangalanan ang mga preso na sangkot sa pambubugbog sa biktima.
Apat na preso naman ang nagpahayag umano ng kahandaan na tumestigo sa naganap na insidente sa detention cell ng MPD-Station 4.

Abante Hiring – IT dep

Sa imbestigasyon ni PSgt. Mark De Guzman ng MPD-Homicide Section, dakong alas-sais ng umaga nang magwala umano si Jardiel sa loob ng selda.

Inawat ito ng mga kapwa bilanggo pero naging marahas umano ang ikinilos ng biktima kaya pinagtulungan itong bugbugin ng mga kasama sa selda.

Nawalan umano ng malay ang biktima kung kaya’t mabilis itong isinugod sa nasabing pagamutan pero nasawi rin dakong alas-8:22 nang umaga.

Nalaman na kinulong si Jardiel matapos maaresto kasama ang isa pang suspek sa panu­lukan ng Simoun at Algeciras Street sa Sampaloc noong Biyernes dahil sa kasong may kinalaman sa droga.

Sinampahan na si Jardiel ng kasong paglabag sa Section 11 (possession of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Juliet de Loza-Cudia)