Abante Tonite Interactive

Preso pinasalubungan ng tinapay na may palamang droga

290

Kulong ang isang negosyanteng babae matapos mahuli sa umano’y pagpuslit ng iligal na droga at mga drug paraphernalia sa loob ng Buguias District Jail (BDJ) na itinago sa isang loaf bread sa Buguias, Benguet noong Biyernes.

Kinilala ng Buguias Municipal Police Station (BMPS) ang suspek na si Jema Dino Aquino, 25, tubong Tinoc Ifugao, na nakilalang bagong drug personality ng mga awtoridad.

Sa report, ayon sa BMPS, bibisitahin sana ni Aquino ang bilanggong si Marvin Cudlas, na isang high-value individual at nakakulong dahil sa kasong illegal drugs.

Nang rekisahin ang bitbit, nadiskubreng may dala itong iligal na droga at drug paraphernalia.

Nakumpiska kay Aquino ang isang pakete ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 1.26 gram at halagang aabot sa P11,000. Nakuhanan din ito ng tatlong rolled aluminum foil, lighter at plastic straw at isang transparent plastic cellophane na naglalaman ng dried marijuana leaves na may bigat na 3.76 gram at halagang P451.

Ayon kay BDJ jail guard na si SJO1 Marjorie Bigwel, itinago ni Aquino ang mga kontrabando sa dala nitong loaf bread. ­(Allan ­Bergonia)