Abante Tonite Interactive

Preso sa Taguig namatay sa sikip, init ng selda

305

Isang preso ng Taguig Police Station ang nasawi noong Sabado ng madaling-araw na hinihinalang dahilan sa masikip at mainit na kulungan ng nasabing himpilan ng pulisya.

Naisugod pa sa Taguig-Pateros District Hospital bago namatay ang presong si Isidro Obquia y Tagsip Jr., nakatira sa Pinagsama St., Taguig City at may kasong physical injury.

Base sa ulat ni Senior Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, dakong alas-3:20 nang madaling-araw nang makitang nahihirapan huminga si Tagsip sa loob ng selda nito.

Agad tinawag ng mga kapwa preso ang mga bantay na pulis at isinugod si Tagsip sa nasabing pagamutan. Pero idineklara itong dead on arrival.

Napakasikip at sobrang init sa detention cell ng Taguig Police Station kaya’t posibleng hindi na umano nakayanan ng biktima.

Ayon kay Santos, sa halip na 40 preso lamang ang dapat na nakakulong sa kanilang detention cell ay nasa 224 na ang mga na­kabilanggo dito at araw-araw pang nadadagdagan ang kanilang mga naaaresto na nasa lima hanggang walong katao.

Sa kabila nito ay nag-iimbestiga pa rin ang mga awtoridad para malaman kung ano talaga ang ikinamatay ng preso.

Tonite – Wendys Inhouse Ad