Abante Tonite Interactive

Presong namatay sa Dasmariñas City, 9 na

By
444

Umabot na sa siyam na preso ng Dasmariñas City Custodial Center sa Cavite ang iniulat na nasawi sa loob lamang ng mahigit isang buwan.

Pang-walo sa nasawi ang 25-anyos si Mark Angelo Baluya ng Block 19 Lot 38, Brgy. Dela Alas, Area J, Gen. Mariano Alvarez, Cavite na sinasabing nag-amok sa loob ng kulungan at inumpog ang kanyang ulo.

Namatay habang ginagamot sa Pagamutan ng Dasmariñas si Baluya.

Sa ulat ni PO3 Rolando Figueroa ng Gen. Mariano Alvarez Municipal Police Station, nanggulo sa loob ng kanilang selda si Baluya at tinangkang awatin ng mga kapwa preso pero nagalit ito.

Hanggang sa inum­pog umano nito ang kanyang ulo sa pader dahilan upang saklolohan ng duty jailer na si PO3 Romel Baseco at isinugod sa ospital pero tuluyan ding nasawi.

Nabatid na naaresto si Baluya sa kasong may kinalaman sa droga at ikinulong noong Set­yembre 13.

Pero nakitaan na umano ng kakaibang pag-uugali si Baluya dahil inuuntog nito ang kanyang ulo sa pader at naghahamon ng away.

Samantala, namatay din habang ginagamot sa nasabing ospital ang isa pang preso na kinilalang si Dennis Duque matapos na nakaramdam ito ng hirap sa paghinga at nawalan ng ulirat.