Abante Tonite Interactive

Presong sakay ng patrol car umeskapo

By
1,301

Sibak ang dalawang pulis-Quezon City matapos na matakasan ng isang preso na may kasong pagtutulak ng iligal na droga.

Kinilala ni Quezon City Police District director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga sinibak na sina PO1 Jayson Landayan at PO1 Randy Yape na kapwa nakatalaga sa Anti-Illegal Drug Enforcement Unit ng Novaliches Police Station 4.

Ayon kay Supt. Carlito Grijaldo, superior nina Landayan at Yape, alas-12:00 ng tanghali noong Sabado nang makatakas ang presong si Jhan-Jhan Abacian, 21-anyos, na naaresto sa buy-bust operation sa Kingspoint Subdivision, Katipunan Avenue, Novaliches.

Nabatid na escort ang dalawang pulis ng ilang preso galing sa Quezon City Prosecutor’s Office nang matanggal ang posas ni Abacian habang sakay ng patrol car sa kahabaan ng Quirino Highway.

Sinamantala ni Abacian ang pagkakataon na tumalon mula sa sasak­yan at mabilis na tumakbo patungo ng Sauyo market hanggang hindi na mahabol at matagpuan ng dalawang pulis.
Naglunsad na ng manhunt operation ang mga pulis para maaresto ulit si Abacian.

Nahaharap ngayon sa kasong administratibo sina Landayan at Yape.

“Itong mga ganitong insidente ay dapat na ma­ging aral sa ating mga kapulisan na huwag ma­ging kampante sa pag-e-escort sa mga suspek. Sila ay dapat na maging alerto at laging nakabantay sa kanilang mga huli,” sabi ni Eleazar.