Abante Tonite Interactive

Presyo ng bigas, ipako sa ₱40/kilo – Villar

By
186

Nanawagan si Senator Cynthia Villar sa Department of Trade and Industry (DTI) na huwag paya­gang lumampas sa P40 per kilo ang presyo ng bigas sa merkado.

Sa isang TV program, tinanong ni ABS-CBN host Karen Davila kung nais ba ni Villar na mag­lagay ng price ceiling na P40 per kilo sa bigas ang DTI at sumagot ang senador ng “oo”.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), walang silbi ang pagpataw ng price ceiling dahil lulusutan lang ito dahil imbes na magbenta ng regular milled rice, well-milled rice na lang ang ibebenta nila para hindi madamay sa price ceiling.

Dagdag pa ng SI­NAG, wala sa local millers at traders ang bigas kundi nasa National Food Authority (NFA) at mga importer. Kailangan din ­aniyang bantayan ang presyo ng imported rice dahil nasa P34 per kilo lang ito habang tumataas naman ang presyo ng bigas sa bansa.

Dagdag pa nito, suplay ang problema kaya tumataas ang presyo ng bigas at patuloy pa rin itong tataas dahil tumataas din ang presyo ng palay sa bukid o ang tinatawag na farm gate price.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tatlong linggo nang tumataas ang farm gate prices ng palay. Nang kalagitnaan ng Agosto, umakyat na sa P22.28 per kilo ang presyo ng palay mula sa P21.81 noong katapusan ng Hulyo.

Sabi ng PSA, nasa P41 per kilo ang average sa mas murang bigas sa Metro Manila noong linggo ng Agosto 21, lampas sa P39 na suggested ­retail price na itinakda ng Department of Agriculture noong Hunyo 25.