Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Presyo ng COVID bakuna huwag isikreto – Senado

0 109

Hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kina vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ilabas ang presyo ng mga COVID-19 vaccine.

Pinasusumite rin nito sa Senate Committee of the Whole ang supply agreement na nilagdaan ng Pilipinas sa mga vaccine manufacturer.

Ginawa ng senador ang panawagan isang araw bago ang nakatakdang pagdinig ng Committee of the Whole hinggil sa vaccination program ng pamahalaan at ang paggamit sa P82.5 bilyong pondo para sa pambili ng COVID-19 vaccine.

“Aking hinihiling kay Secretary Galvez at Secretary Duque na ipadala na ang mga supply agreements na napirmahan na. Hindi na ito confidential. Ang non-disclosure agreement ay hindi na ubra dito at ito ay pera ng taumbayan. These are public records,” pahayag ni Drilon sa panayam sa radyo.

Ayon kay Drilon, hindi na umano puwedeng igiit ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at ng DOH ang non-disclosure agreement gayong nalagdaan na naman ang kasunduan para sa supply ng bakuna.

“Ito naman ay hindi intelligence fund na puwede ang closed envelope system. The Commission on Audit will audit it eventually and they cannot hide it,” sabi ni Drilon.

Muling iginiit ni Drilon na dapat maging transparent ang gobyerno tungkol sa gastos at sa mga termino ng supply agreement. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.