Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Presyo ng pamasahe, petrolyo bumilis pagsirit – PSA

0 126

Humupa man ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng ilang pagkain tulad ng gulay, prutas, at isda, umarangkada naman ang sa industriya ng transportasyon.

Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) chief Dennis Mapa, bumagal ang inflation rate sa 4.5% nitong Marso mula sa 4.7% noong Pebrero matapos ang limang buwang sunod-sunod na pagtaas.

Pero sabi ni Mapa, bumilis naman ang inflation ng transportasyon noong Marso sa 13.8% mula sa 10.4% noong Pebrero dahil sa pamasahe sa tricycle at jeepney at sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Para sa 30% na pinakamahihirap na tao sa bansa, walang pinag-iba ang inflation nitong Marso at Pebrero na nasa 5.5% pa rin at wala silang naramdamang paghupa.

SM food to go Banner Ad

Ito ay dahil sa malaking bahagi ng gastusin ng mahihirap ay napupunta sa pagkain at pamasahe.

Sabi ni Mapa, ang inflation ng mahihirap nitong nakalipas na tatlong buwan ay mas mataas pa kaysa sa inflation na naramdaman noong 2018 nang sumirit ang inflation dahil sa pagmahal ng presyo ng bigas.

Samantala, bagama’t mabuti na bumaba ang inflation rate noong Marso, hindi pa rin umano ito sapat dahil mataas pa rin ang presyo ng pagkain ayon kay House Committee on Ways and Means chairperson at Albay Rep. Joey Salceda.

Aniya, patuloy na isang malaking hamon sa gobyerno ang pagtiyak na kayang bumili ng pagkain ang mga mahihirap. (Eileen Mencias/Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.