Abante Tonite Interactive

Pribadong sektor kumilos, Ayala nanguna Tulong sa mga biktima ng Taal eruption pinaigting

316

Lumawak pa ang tulong na ipinagkakaloob ng pribadong sektor sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal sa pangunguna ng Ayala Corporation.

May 30 water tanker na naglalaman ng 248 ­cubic meter ng tubig ang naunang dinispatsa sa 19 evacuation center sa Batangas at Laguna at ­tatlong beses na itong pinalitan ng Laguna ­Water magmula noong Lunes at nasa 10,000 evacuee ang tumanggap ng libreng maiinom na tubig mula sa mga tanker.

Sa pakikipagtulungan sa Batangas ­Provincial Disaster Risk Reduction and Management ­Office (PDRRMO), ang Manila Water ay patuloy na ­nagkakaloob ng malinis na maiinom na tubig sa mga evacuation center sa mga bayan ng Sto. ­Tomas, Tanauan City, Lipa City, Batangas City, San Pascual, San Luis at Cuenca, kabilang ang ­Tagaytay City at Alfonso sa Cavite at marami pang apektadong lugar.

Samantala, naglagay ang Globe Telecom ng limang Libreng Tawag and Charging Station sa Cavite (Brgy. Amuyong Covered Court, Bagong ­Tubig Barangay Hall, Brgy. Kaybagal South Old ­Rehab Center, at Luksihin National HS sa Brgy.
Luksuhin) at Batangas (Sto. Tomas City ­Evacuation Center Poblacion).

Patuloy namang nakaantabay ang AC Health upang magbigay ng tulong medikal sa mga naapektuhan ng pagsabog. Hanggang noong Enero 13, 2020, karamihan sa mga sangay ng Generika Drugstore ay bukas at nakahandang magserbisyo sa publiko, maliban sa mga nasa danger zone sa Batangas at Cavite.

Ang Ayala group ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang local government unit (LGU) upang maghatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Samantala, sinimulan na rin ng mga ­community organization tulad ng Philippine ­Canadian ­Charitable Foundation ang relief effort sa mga ­biktima ng pagsabog.

Ayon kay Rosemer Enverga, presidente ng ­organisasyon, tutungo ang grupo sa bansa para sa kanilang proyekto.