Abante Tonite Interactive

Prison guard ang dinale: Holdaper kalaboso sa Pasay

0 210

Swak sa kulungan 27-anyos na holdaper na nambiktima ng isang kagawad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Pasay City kamakalawa ng gabi.

Hindi na nakapalag si Marvin Amparo, nang arestuhin siya ng pulisya makaraang positibong kilalanin ni JO1 Angelo Badong, 31, nakatalaga sa Parañaque City Jail.

Sa kuwento ni Badong kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, naglala­kad siya sa kahabaan ng Atang Dela Rama St., Brgy. 76 Zone 10 dakong alas-6:20 ng gabi nang bigla siyang tutukan ng patalim ng suspek sa tapat ng Amazing Show.

Puwersahang kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima bago tumakas. Matapos nito, kaagad na nagsumbong sa pulisya ang biktima.

Nang rumesponde, natiyempuhan ng mga awtoridad ang suspek habang nag-aabang ng muling mabibiktima kaya kaagad siyang dinakip.

Nang kapkapan, isang granada at bali­song ang nakumpiska sa kanya subalit wala na ang cellphone ng biktima.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek. (Armida Rico)