Abante Tonite Interactive

Privilege card, ilulunsad ng PCUP

158

Tinatayang milyun-milyong maralitang taga-lungsod ang inaasahang matutulungan ng mga proyekto ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP para sa taong 2019 hanggang 2022.

Nitong nakaraang Dis­yembre 2018, inilunsad ng naturang ahensiya ang tinatawag na ‘Three Priority Programs’ na kung saan, layunin nito na bigyang tugon ang ilan sa mga pa­ngangailangan ng masa partikular na sa isyu ng kalusugan, edukasyon, pabahay, transportasyon, at iba pa.

Ayon kay PCUP Chairperson/CEO na si Alvin S. Feliciano, unti-unting babaguhin ng komisyon ang imahe nito sa publiko. Wika niya, kung ang PCUP ay kilala lamang noon kapag may darating na ebiksyon o demolisyon, ngayon sa kaniyang pamumuno, sisikapin niyang makilala ito bilang isang pro-active na ahensiya ng gobyerno sa pamamagitan ng three priority programs na kaniyang pangangasiwaan.

Kabilang naman sa three priority programs na ito ay ang urban poor pri­vilege card.

Batay sa ulat ng PCUP na nakasulat sa ‘Program Priorities for 2019 report’ na inilabas nitong nakaraang buwan ng Enero, ang urban poor privilege card ay magsisilbing discount card ng mga kuwalipikadong benepisyaryo sa medisina, transportasyon, pera padala, at iba pang pangunahing pangangailangan ng mara­litang Pilipino.

“Marami sa ating kababayan ang nagkakasakit ngunit hindi agad nalulunasan dahil walang pera pambili ng gamot. Ito ang isa sa mga bagay na nais nating iwasan kaya naisip nating gumawa ng Urban Poor Privilege Card,” ani Feliciano.
Sa ngayon, mayroon nang mga bus company, botika, at pera padala ang tumugon at nagbigay ng suporta sa naturang prog­rama. Patuloy namang umiikot at nakikipagdiskusyon sa iba pang pribadong kompanya ang PCUP para mas mapalakas at mapalawak ang sakop ng urban poor privilege card.