Abante Tonite Interactive

‘Probinsyano’ aktor 43 beses sinaksak

By
2,818

Natagpuang patay at may 43 saksak sa katawan ang isang aktor sa teleseryeng “Ang Probinsyano” at “Bagani” sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng tang­hali sa bayan ng Silang, Cavite.

Ayon kay Silang, Cavite Chief of Police Supt. Resty Soriano, noong Lunes pa hindi makontak ng kanyang mga kaanak ang biktimang si Arnold Corpuz, 38-anyos, isang ­bise­xual, na dahilan upang puntahan ito sa kanyang bahay sa Barangay Biga 1 at doon tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima kamakalawa ng tanghali.

Tadtad ng saksak ang hubad na katawan at nakasuot na lamang ng brief at medyas ang biktima nang makita ang bangkay nito.

Napag-alaman pa kay Soriano na huling nakitang buhay ang biktima noong Linggo ng gabi at nakita sa closed circuit television (CCTV) ang pagbili nito ng alak sa isang convenience store. Lumabas si Corpuz ng kanyang kotse habang ang kasama nito ay pumirme lang sa loob ng kotse.

Mula noon ay hindi na nakita ang biktima ng kanyang mga kamag-anak na nakatira malapit sa kanya.

Nagdesisyon na silang pasukin ang bahay at doon tumambad ang bangkay nito na tadtad ng saksak sa katawan.

Nakuha sa lugar ang isang malaking gun­ting at patalim katabi ng biktima na hinihinalang ginamit ng isa o dalawang suspek sa pamamaslang.

Base sa nakitang ayos ng bahay ng biktima, lumalabas na may da­lawa itong kasama, patunay ang tatlong shot glass ng alak na nakalagay sa lamesa.

Nawawala din ang dalawang cellphone ng biktima na bukod sa teleseryeng “Ang Probinsyano” ay bit player din sa mga teleseryeng “Bagani” at “Be Careful with My Heart” ng ABS-CBN Channel 2.

Ayon pa sa mga kapitbahay nito, mali­mit na may kasamang lalaki sa kanyang bahay ang biktima bago ito pinatay.
Nagtatrabaho din umano ito bilang networking agent. ­