Abante Tonite Interactive

Problema kay Jones, sosolusyunan ng SMB

392

Finals Game 2 ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
7:00pm — SMB vs. TNT
(KaTropa lead series 1-0)

Sakit ng ulo ng San Miguel Beer si Terrence Jones, pasimuno nang itakbo ng TNT KaTropa ang 109-96 victory sa Game 1 ng PBA Commissioner’s Cup Finals nitong Linggo.

Balik ng Smart Araneta Coliseum ang magkatunggali ngayong alas-7 ng gabi, susubukang itabla ng Beermen ang best-of-seven sa tig-isang panalo.

‘Yun ay kung nagawa ni coach Leo Austria at ng kanyang coaching staff ang asignatura sa dalawang araw na pahinga – solusyunan si Jones at TNT.

“The problem is they have Jones, and he really took over,” ani Austria. “Magaling talaga at ang dami niyang dala-dala sa team – puntos, pasa, depensa at rebounds.”

Pinaglaruan na naman ni Jones ang triple-double sa 41 points, 12 rebounds at 8 assists, may 3 blocks at 1 steal pa kontra 5 turnovers sa 45 ½ minutes.

Naunahan ang SMB, sinabi ni veteran forward Arwind Santos na ‘di maganda ang opensa at depensa nila kabaliktaran sa kabila. Pero may mga bagay na silang natukoy para i-correct sa Game 2 – pigilin si Jones o ang TNT locals.

Pumutok din ng 20 points si Jayson Castro, may 16 si Troy Rosario, 13 si RR Pogoy at 11 kay Don Trollano sa KaTropa.

“Kung papipiliin ka, gusto mo ba umiskor si Terrence Jones ng more than 50 points at the same time, off ang locals? Dapat ganun,” ani Santos, naka-5 points lang sa 2 of 7 shooting.

“Game 1, maganda laro ni Jones, maganda pa laro ng locals. ‘Di dapat ganu’n ang mangyari. Kung ma-off namin import, okay lang maganda laro ng locals. Kung ma-off namin locals, dapat ‘yung import ‘di na.” (Vladi Eduarte)