Abante Tonite Interactive

Problema sa baha inaaksyunan na

110

Hindi lamang pagtugon sa problema ng trapiko sa Metro Manila ang pangunahing tututukan ngayon ng pamahalaan kundi maging ang problema ng pagbaha.

Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos ang nakalinyang dagdag na 25 pumping stations na itatayo sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.

Ang pagtatayo ng pumping station ang isa sa mga solusyon upang matugunan ang pagbaha sa Metro Manila tuwing panahon ng tag-ulan.

“We will build more pumping stations. The only reason why we don’t have flooding (these days) because of pumping stations. It keep us afloat,” ayon kay Carlos.

Ayon pa kay Carlos, oras na maaprubahan ang P22 bilyon loan mula sa World Bank ay masisimulan na ang pagtatayo ng dagdag pang pumping stations sa Kalakhang Maynila.

Sa kasalukuyan ay may 53 pumping stations na nag-operate. Ngunit ayon kay Carlos, ito’y hindi pa sapat upang ganap na tugunan ang pagbaha oras na bumuhos ang malakas na ulan.

Ayon naman kay Michael Gison, MMDA planning officer, ang insiyal na konstruksiyon ng limang pumping stations ay inaasahang sisimulan sa pagpasok ng susunod na taon.

Dagdag pa ni Gison, popondohan ng World Bank ang 60-porsiyento ng proyekto habang ang nalalabing 40-porsiyento ay papasanin ng national government.