Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Problema sa baha

0 126

Maagang penitensiya ang naranasan ng maraming motorista nitong nakalipas na ilang araw dahil sa pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Maraming mga motorista ang tumirik ang sasakyan matapos malubog sa hanggang tuhod na baha sa ilang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Taon-taon na lamang lalo na tuwing panahon ng tag-ulan ay dumaranas ng perwisyo ang publiko dahil sa hindi mawala-walang problema sa baha.

Ilang dekada na itong problema sa Metro Manila pero tila ba hindi ito kasama sa mga prayoridad ng mga lokal na opisyal sa mga unang dapat nilang nilutas.

Mas inuna kasi ang pagpapa-pogi at pagpa-charming sa kanilang mga constituents at kung ano-anong beautification ng mga parke sa halip na tuntunin kung ano ang pinag-uugatan ng mga pagbaha kahit konting ulan.

Ayoko namang isiping inutil ang engineering division ng mga lungsod sa National Capital Region dahil sa halip na inaayos ang mga baradong kanal at imburnal ay mas ginustong maging hardinero at magtanim ng mga halaman.

Wala namang masamang magpaganda ng lungsod o bayan pero unahin sana ang mga bagay na nakakaperwisyo sa mamamayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sabi nga ng mga miron, umihi lang ang palaka ay bumaha na sa mga mga kalsada dahil sa mga baradong imburnal at kanal.

Panahon pa ni Limahong ang problema sa mabilis na pagbaha pero tila ba bulag at bingi ang mga lokal na opisyal na isama ito sa mga dapat inuna .

Nababasa at napapanood naman sa social media kung gaano ang sakripisyo at kunsimisyon ng mga naaapektuhan ng mga pagbaha sa kalsada lalo na yaong mga ordinaryong manggagawa na pauwi mula sa trabaho.

May panahon pa naman sa termino ng mga Mayor sa Metro Manila para ayusin at lutasin ang problema sa mga pagbaha tuwing may malakas na ulan.

Huwag pong hayaang ma-stranded at abutin ng gabi sa daan ang mga ordinaryong manggagawa dahil sa baha.

Pagod na sila sa maghapong trabaho at sa halip na makauwi ng maaga para makapagpahinga ay nauubos ang panahon sa kalsada dahil stranded o kaya ay hindi makausad ang daloy ng trapiko dahil sa malalalim na baha sa ilang mga lansangan.

Sana kapag umayos na ang panahon ay mahimasmasan ang mga halal na opisyal at iutos na ang pagsasaayos sa ugat ng mga pagbaha. Baka dito ay matuwa ang mamamayan at baka makaulit pa kayo na makaupo sa puwesto.

Leave A Reply

Your email address will not be published.