Abante Tonite Interactive

Problema sa basura ng Bataan, nahaluan ng politika

299

Iginiit ni Limay Mayor Ver Roque na hinaluan na ng politika ang problema sa basura ng kanilang alawigan matapos gumawa ng inspeksiyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tanging ang basura lamang sa Limay ang pinuntirya.

Nitong nakaraang Martes (Mayo 7), binigyan ng DENR si Limay Ver Roque ng ‘cease and desist order’ kaugnay ng ‘open dumpsite’ ng bayan sa Brgy. San Francisco de Asis nito, isang araw matapos ang inspeksiyong isinagawa ng isang DENR team na ni hindi umano nakipag-ugnayan sa muni­sipyo ng bayan.

Ayon kay Roque, ang ginawa ng DENR ay tila bahagi ng politika laban sa kanya “dahil sa mabilisang pag-isyu ng order, na itinaon pa sa huling araw ng kampanya sa halalan sa darating na Lunes. Sinabi niyang “maaaring naka­handa na nga ang order bago pa isinagawa ang inspeksiyon.”

Ipinaliwanag ni Roque na ang suliranin sa basura ay problema ng buong Bataan at hindi ng Limay lamang. “Ang problema sa basura ay problema ng buong lalawigan ng Bataan at mismong ang Kapitolyo ay naging inutil at walang nagawa. Mabuti pa nga ang Limay at may ginagawang pagkilos para maresolba ito,” madiing giit niya.

Kandidato si Roque ng oposisyon sa pagka-gobernador laban kay Gov. Albert Garcia na reeleksiyonista.

Niliwanag ni Roque na ang tambakan ng basura nila sa Brgy. Francisco­ de Asis ay pansamantalang “transfer station” lamang na nakatakdang isaayos­ kaya kinuntrata ng Limay noon pang 2015 ang Metro Clark Waste Management Corp. (MCWMC) na naghahakot ng basura doon at itinatapon sa isang ‘dumpsite’ sa Tarlac.

Noong 2016, dagdag ni Roque, pinagtibay ng Limay ang 10-taong ‘so­lid waste management plan’ nito, inilipat ang mga eskwater mula sa itinalagang ‘dumpsite,’ ginawa ang kalsada at bakod sa paligid nito at pansamantalang ginawang ‘transfer station.’

Bilang bahagi ng plano, sinabi ni Roque na nitong nakaraang 2018, naglaan ng P40 milyon ng Limay para sa mga makinarta at kagamitan ng proyekto at habang hindi pa ito kumpleto, patuloy ang kuntrata nila sa MCWMC na tuloy-tuloy namang hinahakot ang basura sa ‘transfer station’ at dinadala sa tapunan nito sa Tarlac.