Abante Tonite Interactive

Problema sa inflation ‘di tinutulugan ng gobyerno

By
214

Hindi tinutulugan ng gobyerno ang problema sa mataas na inflation.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng lalo pang pagtaas ng inflation sa 6.7% mula sa dating 6.4 % noong Agosto.
Ayon sa kalihim hindi natutulog sa pansitan ang gobyerno at patunay dito ang pag-aangkat ng mga pagkain para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Binigyang-diin ni Roque na ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ang ugat ng mataas na inflation kaya may mga inilatag ng mga paraan ang pamahalaan para hindi maging ma­tindi ang epekto nito sa mga Pilipino.

“Well pagdating po sa paglobo ng inflation, alam naman po natin na ang pinagsisimulan niyan ay iyong pagtaas po ng presyo ng krudo – tumaas na naman po ang presyo ng krudo. Pero pagdating naman po sa mga ibang pang bilihin, eh ginagawa naman po natin ang kaya nating gawin; nag-aangkat na po tayo ng pagkain para po mapababa ang presyo at asahan ninyo po na hindi tayo matutulog sa pansitan,” ani Roque.

Isa aniya sa ginagawa ngayon ng gobyerno ay ng paghahanap ng murang langis at isa sa nakikitang option din ay ang joint exploration sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Roque na bukod sa pag-aangkat ng pagkain ay tuloy-tuloy ang pamimi­gay ng subsidiya sa pamamagitan ng cash transfer na nakapaloob sa Tax Reform Accelera­tion and Inclusion (TRAIN) law partikular sa sektor ng transportasyon, o ang tinatawag na Pantawid Pasada.

“Nandiyan din po iyong Pantawid Pasada natin kung saan binibigyan natin iyong mga may-ari ng public utili­ty jeepneys ng P5,000 each. At nakasaad naman po sa batas na kapag ang presyo ng krudo ay otsenta sa tatlong buwan ay hindi na po magtataas iyan ng excise taxes,” dagdag pa ni Roque.