Abante Tonite Interactive

Problemadong Indian nagbaril sa ulo

310

Agaw-buhay ngayon sa pagamutan ang isang Indian national makaraang magbaril sa sarili sa loob ng kanilang bahay dahil sa problema umano sa pera sa Muntinlupa City kahapon.

Agad isinugod sa Asian Hospital ang biktimang tinago sa pangalang Ted, 76, nakatira sa no. 237 Santiago St., Brgy. Ayala Alabang Village ng nabanggit na lungsod at ginagamot ngayon sanhi ng tinamong bala ng kalibre 38 baril sa ulo.

Sa report ni Police Colonel Gerry Umayao, hepe ng Muntinlupa City Police, base sa pahayag ng misis nitong itinago rin sa pangalang Tresni, naganap ang insidente alas-7:45 nang umaga sa loob ng kanilang bahay.

Nakarinig na lang umano ng putok ng baril ang misis ng biktima, na kaagad nitong inaalam hanggang sa tumambad sa kanya ang duguan at nakabulagtang asawa sa kanilang kuwarto.

Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ng Southern Police District narekober ang isang kalibre .38 Smith and Wesson revolver na may apat pang live na bala at isang suicide letter.

“Darling, so sorry for what i have done! Please see the brown envelop in the desk drawer­ in my office. Love you so much,” nakasaad sa suicide note ng biktima. (Armida Rico)