Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Producer nakakaloka ang regalo

0 113

Tapos na ang Pasko pero nakaaaliw pa ring balikan ang kuwento ng regalong tinanggap ng isang kolumnista mula sa isang sikat na prodyuser.

Mismong araw ng Pasko, nagpunta ang manunulat sa bahay ng prodoo, napakaraming tao sa mansiyon dahil nandu’n din ang mga pamilya ng mga miyembro ng produksiyon.

Malakas na bati ng kolumnista sa sikat na producer, “____ (ang tawag ng buong industriya ng pelikula sa sikat na producer), Merry Christmas! Kita n’yo naman, bumiyahe pa ako mula sa bahay ko para lang mamasko sa inyo!”

Gumanti naman ng pagbati ang kilalang-kilalang producer, “Huwag kang aalis, ha? Aasikasuhin ko lang ang mga pamilya ng production staff ko! I have something for you!”

Natural, ang pag-asa ng koluminsta, napakagandang regalo ang tatanggapin nito sa producer bukod pa sa kadatungan. Pasko kasi!

Kuwento ng aming source, “Siyempre, wait lang ang reporter kay prodoo, di ba? Nabilang na yata niya ang lahat ng Christmas balls sa Christmas tree ng prodoo, pero wala pa ring aksiyon!

“Pagkatapos nang dalawang oras, tinawag na siya ni sikat na prodoo, inabutan siya ng mahiwagang ampao, manipis, naramdaman agad ng kolumnista.

“Pero may dagdag pa siyang regalo, kinuha ‘yun ni prodoo sa kanyang kuwarto, ibinigay sa reporter. Tuwang-tuwa ang niregaluhan, naisip niya na napakaespesyal siguro ng gift na ‘yun dahil napakaganda ng pagkakabalot! Pagkatapos nu’n, umuwi na ang reporter,” kuwento ng aming source.

Heto na. pagdating nito sa kanyang housing galore, open sesame na ang reporter ng regalo, saka ng ampao.

Patuloy ng aming impormante, “Hindi masyadong bongga ang laman ng ampao, parang hindi naman Pasko, ordinaryo lang ang nakalaman na datung!

“Pero mas naloka ang reporter nu’ng buksan na niya ang gift, iba-ibang klase ‘yun ng kape na okey lang, coffee drinker naman siya!

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Pero may nakita siyang note sa loob ng kahon, ang nakalagay, ‘This is for you, ____(ang nakasanayan nang tawag sa prodoo ng mga taga-showbiz), enjoy!’

“Ang nagbigay, isa ring producer na lalaki, kasingtagumpay rin niya, ni-recycle lang niya ang regalo at naibigay sa kolumnista! Lukang-luka ang reporter!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming impormante.

-o0o-

Paulo nagpasilip ng ari, puwet

Nakakaapat na pelikula na kaming napapanood sa mga proyektong lahok sa Metro Manila Film Festival. Inuna namin ang “Fan Girl,” isinunod namin ang “Isa Pang Bahaghari,” pagkatapos ay ang “Mang Kepweng” at ang ikaapat ay ang “Coming Home.”

Una naming tututukan ang “Fan Girl” na pinagbibidahan nina Paulo Avelino at Charlie Dizon. Istorya ito ng isang tagahanga na walang nakikitang mali sa kanyang idolo.

Kabisado nito ang lahat ng mga ginagawang proyekto ng kanyang iniidolo, pati ang mga dayalog ng aktor sa pelikula at serye ay natatandaan nito, magaling na aktres si Charlie Dizon.

Pero istorya rin ito ng pagguho ng paghanga ng isang fan sa kanyang idolo, pagbubukas ito ng kamalayan ng isang tagahanga na hindi lahat ng magagandang bagay na nakikita sa iniidolo ay ganu’n din sa tunay na buhay, napakahusay umarte ni Paulo Avelino.

Sa kabuuan ng “Fan Girl” ay hindi na namin nabilang kung ilang beses binibitiwan ni Paulo ang salitang put— ina mo nang napakadiin. Dalawa-singko ang kanyang pagmumura sa mga eksena.

Nagpakita siya ng puwet, pati ng kanyang ari habang umiihi sa isang puno, wala kang itatapon sa ipinamalas na pagganap ng aktor sa “Fan Girl.”

Pero ang malaking sorpresa para sa amin ni Japs Gersin ay ang husay ni Charlie Dizon, nakipagsabayan ito kay Paulo Avelino, lagi kaming pinahahanga ni Direk Antonette Jadaone sa mga hinahawakan nitong pelikula na kadamay na ang script.

Sisimulan at tatapusin ng manonood ang “Fan Girl,” hindi ito nag-iimbita ng pagkaantok, nakakaamoy kami ng parangal para sa mga bumibidang sina Paulo Avelino at Charlie Dizon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.