Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Programang pangkalusugan para maiwasan ang hepatitis

0 361

Ngayong Enero ay ipinagdiriwang natin ang Liver Cancer and Viral Hepatitis Awareness and Prevention Month.

Layunin ng selebrasyon na magbigay ng tamang kaalaman at kamalayan kung paano magagamot ang Hepatitis at maiwasan ang komplikasyon tulad ng pagkasira ng atay o liver cancer.

Ang pangunahing may-akda ng batas na nagdedeklara ng buwang ito bilang pagpapahalaga sa mga programa para sa pag-iwas sa liver cancer at Hepatitis ay si Ate Senator Pia Cayetano.

Pinagpursigihan ni Ate Pia ang pagpasa ng batas na ito noong 2012 dahil na rin napag-alaman niya sa pagkapanaw ng aming ama sa liver cancer na kailangan ang epektibong kampanya at sapat na pondo para sa Hepatitis screening at vaccinations bilang unang hakbang para makaiwas sa ganitong malubhang sakit.

Malapit ito sa amin dahil ang aming ama na si Rene Compañero Cayetano ay lumaban rin sa liver cancer. Ito ang naging dahilan kung bakit kami ay sumailalim sa live liver transplant noong 2003. Nagkaroon ako ng pagkakataon noon na ibigay ang parte ng aking atay sa aming ama para magamot ang kanyang cancer.

Tulad ng COVID-19, tayo ay dapat magpa-test, magpakonsulta sa doktor at magpabakuna laban sa Hepatitis.

Sa Taguig, ang lokal na pamahalaan ay patuloy na naglulunsad ng mga programa at serbisyo para sa pag-iwas sa Hepatitis at liver cancer, habang patuloy rin ang agresibong pandemic response.

Programa ng lokal na pamahalaan ang libreng Hepatitis health care services tulad ng Hepatitis Screening at Hepatitis Profile Test.

Sa pangunguna ng City Health Office at Taguig-Pateros District Hospital na lokal na ospital ng Taguig, nagsasagawa sa lungsod ng mga ganitong libreng blood tests para ma-detect kung sino ang mayroong Hepatitis, at may blood monitoring naman para sa nagpopositibo sa Hepatitis.

SM food to go Banner Ad

Para mabawasan ang posibleng pagkahawa ngayong may surge ng COVID-19 cases, mayroong telemedicine consultation at monitoring para sa mga pasyente.

Sa pagmomonitor ng mga pasyente ay natutukoy kung sino ang eligible para sa treatment. Libre ang pagpapagamot at adult immunization laban sa iba’t ibang klase ng Hepatitis A, B, C, D at E para sa Taguigeños na 18 taong gulang o pataas.

Mayroon ding Hepatitis immunization para sa mga sanggol sa koordinasyon natin sa National Immunization Program ng Department of Health (DOH).

Tulad ng ginagawa natin sa COVID-19 patients, may door-to-door delivery rin ng mga gamot para sa Hepatitis at cancer patients.
May free medical transport pa para sa mga pasyente na nangangailangan ng physical check-up.

Lahat ng mga programa at serbisyong pangkalusugan na ito ay libre at abot kamay sa barangay health centers ng lungsod. Ang mga health care workers ay dumaan sa masusing training para sa laboratory testing, Hepatitis management at health education patungkol sa sakit.

Malawakan ang panawagan at social media campaign ng Taguig para ipaalam sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng Hepatitis detection at testing. Ito ay para maagap na magamot ang Hepatitis at maiwasan ang posibleng pagtuloy nito sa liver cancer o pagkamatay.

Kabilang ang mga may cancer sa mas vulnerable ngayon sa COVID-19 at dapat magpabakuna. Kaakibat nito, dapat pangalagaan din nila ang kanilang katawan para maiwasan ang iba pang panganib sa kanilang kalusugan.

Ngayong may COVID-19, magpabakuna at sabayan na alagaan ang ating kabuuang kalusugan. Ito ay para maprotektahan natin ang ating sarili at maging ang ating mga mahal sa buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.