Abante Tonite Interactive

Propesyonal na asosasyon sa eSports

0 130

LEVEL UP!
LITO OREDO

Napakaraming mga torneo at liga ang nabubuo sa mundo para sa iba’t ibang mga digital game o tinatawag nga­yong electronic sports o eSports.

Dahil sa napakabilis na paglago at pagsulputan na tila mga kabute ng iba’t ibang laro ay kasabay ang pagsasagawa ng internasyonal na liga at torneo na may limpak na mga nakatayang papremyo na nagdudulot din ng maraming mga isyu at problema sa egamers o eSports athletes.

Kaya naman tinangka ng isang grupo na magbuo ng isang Professional Esports Association o PEA na kinikilala na isang professional video gaming at esports league.

Ilan sa mga founding member nito ay kinabibilangan ng esports team na Team Solomid, Cloud9, Team Liquid, Counter Logic Gaming, Immortals, NRG Esports, at compLexity Gaming.

Hangad ng PEA na maisagawa ang minimum na US$1M prize pool kada taon kung saan unang paglalabanan ang Counter-Strike: Global Offensive sa isang liga.

Binuo ang organisasyon na asam na magkaroon ng isang “stable, healthy, long-term environment para sa eSports athletes o players.” Hangad din ng PEA na maisagawa ang “new profit sharing system not seen in the current esports environment.”

Gayunman, ‘di pa man lamang nakakapagsimula ay agad na nabuwag ang organisasyon dahil sa iba’t ibang isyu na nagsisimula ‘di lamang sa pagpapatakbo ng mga torneo kundi pati na sa pamamahala at pagbibigay direksyon sa napakalaking industriya na nasa likod ng digital gaming o eSports.

Halos katulad ito sa patuloy na katahimikan na nagaganap sa nalalapit na pagsasagawa ng kauna-unahang eSports sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Patuloy na walang makapagpaliwanag kung sino ang mamahala sa pagsasagawa ng torneo base sa kautusan ng Asian Electronic Sports Federation (AESF) at kung binigyan na rin ba ng nagkakagulo na liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) ang dapat na national sports association (NSA) na magpapatakbo sa torneo.

Ilang buwan na lamang bago ang Nob. 30, pero nahihimlay pa sa kanilang malamig na higaan ang sagot sa ating mga katanungan.