Abante Tonite Interactive

Prosecutor tinambangan sa Caloocan

0 252

Ligtas ang isang inquest prosecutor ng Caloocan judiciary matapos tambangan ng apat na hindi pa nakikilalang armadong suspek kahapon sa B. Serrano St., Caloocan City.

Nakilala ang biktima na si Prosecutor Elmer Susano, assistant chief inquest prosecutor ng Caloocan Judiciary na ligtas matapos na agad sumakay sa kanyang bulletproof na Toyota Hilux subalit nagawa pa siyang habulin ng mga armadong suspek at pinaulanan ng bala.

Batay sa report, nagpa-take out ng pagkain ang biktima sa Swan Lake Restaurant sa 9th Avenue corner B. Serrano St. Caloocan City, bandang alas-tres ng Martes nang hapon.

Papasakay na ito sa kanyang sasakyan nang dumating ang apat na maskarado at armadong mga suspek na lulan ng motorsiklo.

Nakaligtas naman ang biktima dahil bulletproof ang kanyang sasakyan subalit hinabol pa ito ng mga suspek at nagpaulan ng mga bala.

Agad na dumiretso ang biktima sa Caloocan City Police upang ipalaam ang nangyari. Agad namang nagsagawa ng follow-up operation para matugis ang mga suspek.

Ayon sa mga staff ng restaurant, regular customer nila ang biktima at nagulat sila nang biglang magkaroon ng putukan sa labas ng restaurant.

Nasa 13 bala ng hindi pa matukoy na baril ang nakita sa crime scene.

Agad namang ipinag-utos ni Col. Noel Flores, Caloocan chief of police, ang masu­sing imbestigasyon sa nasabing pamamaril. (Vick Aquino)