Abante Tonite Interactive

Proseso sa palit-apelyido ng babae pabibilisin ni Lapid

0 189

Dapat umanong payagan ang pagbalik ng apelyido o maiden surname ng kasal babae nang hindi na gagastos ng malaki sa korte.

Ito ang sinabi ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid batay sa inihain niyang Senate Bill Bill No. 985, o mas kilala sa tawag na Reversion to Maide­n Name Act.

“The bill intends to empower women to be truly independent in their social and economi­c affairs by granting them freedom to use their maiden surname,” sabi ni Lapid.

Paliwanag ng senador, sa kasalukuyang batas, ang babaeng kasal ay may opsyon na gamitin ang apelyido ng kanyang asawa. Subalit sa kasalukuyang set up may sagabal sa karapatan ng mga itong ibalik ang kanilang maiden name.

Sabi ni Lapid, may ‘discriminatory policies and practices’ sa ilang ahensiya ng gobyerno kung saan inoobliga ang mga married woman na gamitin pa rin ang apelyido ng kanilang asawa sa application form at iba pang record.

May pagkakataon pa na tinatanggihan ang pagproseso ng lehitimong transaksiyon ng mga kasal na babae na ayaw gamitin ang kanilang maiden name.

“Halimbawa na lamang ay kung mag-aapply ng passport ang isang babae na hiwalay na sa kanyang asawa. Ayon sa ating batas, puwedeng baguhin ang apelyido ng isang babae sa kanyang pasaporte kung namatay na ang kanyang asawa o ‘di kaya naman sila ay annulled na. O kung ikaw ay ikinasal sa ibang bansa at nakipagdiborsiyo sa iyo ang iyong asawa,” ani Lapid.

“Ang ganitong klase ng napakahigpit na panuntunin ay nakakahadlang naman sa karapatan ng ating mga kababaihan,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)