Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Prosti mabenta sa online shopping

0 126

Talamak na rin umano ang prostitusyon sa mga online shopping platform kung saan ipinapakita pa ang malalaswang larawan ng kababaihan para makakuha ng kustomer.

Isa si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kumalampag sa Philippine National Police (PNP) upang imbestigahan ang posibilidad na ginagamit ang mga lehitimong e-commerce website para sa prostitusyon.

Ito’y matapos na makarating umano sa alkalde ang malalaswang larawan ng kababaihan mula sa testimonial section ng ilang produkto, partikular ng mga damit at undergarment na pambabae. Kahina-hinala umano ang pag-post ng mga babae suot ang mga ganitong damit para sa pagbibigay ng review sa produkto.

“I smell something fishy here. Mukhang nakakita na naman ng bagong paraan ang mga sindikatong gamit ang mga lehitimong websites para maisulong ang kanilang iligal na gawain,” sabi ni Belmonte.

Dagdag niya, “Nananawagan ako sa ating kapulisan na tingnan itong mabuti. Hindi natin dapat palampasin ang mga ganitong aktibidad na nakasisira sa moralidad ng ating lipunan.”

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hiling ni Belmonte sa PNP, isama ang insidenteng ito sa monitoring sa mga social media site, na ginagawa ng kapulisan ngayon para sa paghahanap ng mga quarantine violator.

Sa Facebook page ng Quezon City Government, ilang netizen ang nagpahayag ng pagkabahala sa insidente, ang iba ay binahagi pa ang kanilang nakitaang mga halos hubo’t hubad na larawan ng babae mula sa isang online shopping site.

Ayon sa isang netizen, “Aside from that, the “Feed” tab has images of semi-naked people. This is not even an undergarment product, but look at what the thumbnail image for this video is. I’m appalled. I blurred the image, but if QC govt page sees this comment, I can send them the actual screen shot.”

Sa sariling pagsasaliksik ng Abante TONITE, nakakita nga ng mga ganitong larawan sa ilang online shopping site.

Sinubukang kunin ang reaksyon ng dalawang malaking e-commerce company sa bansa, hinggil sa naging pahayag ng alkalde at alamin ang kanilang mga panuntunan sa pagpo-post ng mga larawan sa kanilang app, gayunman wala pa silang komento sa isyu.

Leave A Reply

Your email address will not be published.