Abante Tonite Interactive

Protektadong pondo!

By
13

Hindi biro ang mangasiwa sa alinmang financial institutions ng bansa — nariyan ang pagkuwestyon sa suweldo at benepisyo kahit hindi naiintindihan kung bakit mas malaki ang kinikita kumpara sa mga ordinaryong manggagawa sa gobyerno.

Hindi lang pangalan ang itinataya ng sinumang itinatalaga sa mga ahensiya o institusyong nanga­ngasiwa sa pondo ng gobyerno kundi ang talento kung paano madaragdagan ang pondong hawak ng mga ito, sa pamamagitan ng pagsiguro sa kontribusyon ng go­vernment workers.

Ang Government Service and Insurance System (GSIS) sa pagtitimon ni General Manager Roberto Vergara, Social Security System (SSS) President Emiliano de Quiros at Philippine Health Insurance (PhilHealth) President Alex Padilla, hindi maitatangging nasa ayos ang kalagayan sa pagpasok ng admi­nistrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, sabay-sabay naiangat at napalago ng tatlong ahensiya ang insurance funds — isang mala­king reporma ang nangyari sa panahon ni dating Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kung kaya’t nakakasiguro ang kinabukasan ng mga kawani ng gobyerno hanggang sa magretiro.

Napakaimportante ang magandang bukas para sa mga kawani ng pamahalaan at nasa tama ang pinaglalaanan ng bawat sentimo o pisong nakokolekta kada araw — ito’y bunga ng matitinong opisyal o CEO naitalaga ni PNoy — hindi idinaan sa kung sino ang bumulong kahit walang talento.

Naitala ang 35 taong-actuarial life ng GSIS hanggang 2049; ang SSS naitala ang 31-taong actuarial life hanggang 2042. Ibig sabihin, makakatulog ng walang agam-agam sa kanilang kontribusyon ang mga kawani ng gobyerno.

Taong 2015, nakapagbayad ng P97 bilyong benifits ang PhilHealth, malayo sa P34 bilyon noong 2010 bago naipasa ang Sin Tax Law. Take note: Umabot sa P128 bilyon ang reserve funds ng PhilHealth, mas malaki kumpara sa P112 bilyon noong 2012.

Nakakuha rin ng full passing rate ang GSIS, SSS at PhilHealth sa 2015 Anti-Red Tape Report Card Survey. Sa naturang report card, nanguna ang GSIS at PhilHealth, kabaliktaran sa mga dating isyung ipinipukol sa mga ahensiyang ito na ginamit sa pamumulitika.

Maraming problemang pinagdaanan ang GSIS bago pumasok si PNoy sa palasyo — itoy ginawang “gatasan” ng ilang tiwaling tauhan at walang kasiguruhan kung makukubra pa ng mga kawani ng gobyerno ang naihulog pagdating ng panahon dahil ipinambili ng paintings ni Amorsolo at ipinambayad sa napaka­laking suweldo ng mga driver ng mga opisyal nito.

Kundi pinambili ng kung anu-anong bagay na matipuhan ng mga nakaupo sa puwesto, ito’y ipinang-arkila ng manicurista at ipinuhunan ang health card para iboto ang kandidato ng administrasyon na lalo pang “nagpadugo” sa pondo at nagpahirap sa kalooban ng mga taga-gobyerno pero iba ang iniwan ni PNoy — matatag at malakas ang lahat ng financial ins­titutions. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)