Abante Tonite Interactive

Protektor ng Manila drug queen lusot sa kaso

0 664

Ni Nancy Carvajal

Pinawalang sala ng isang korte ang diumano’y protektor ng tinaguriang drug queen sa Maynila.

Binasura ni Manila Regional Trial Court Branch 49 Judget Daniel Villa­nueva ang limang kaso na isinampa ng Natio­nal Bureau of Investigation (NBI) laban kay PO2 Jolly Aliangan kaugnay ng paglabag nito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Mas pinakinggan ni Judge Villanueva ang testimonya ni Aliangan at mga testigong kapitbahay niya.

Kasama rin sa inabsuwelto sa kaso ang kanyang misis at pamangkin na sinampahan naman ng kasong possession of illegal drugs ng NBI.

Ang nabanggit na hukom din ang nag-absuwelto sa anak ng convic­ted Chinese drug queen na si Luluk Lai, na kinasuhan din sa iligal na droga.

Si Aliangan na da­ting nakatalaga sa Regio­nal Anti-Illegal Drugs ng Natio­nal Capital Region Police Office ay kabilang sa mga tinaguriang ninja cop.
Sa kanyang affidavit, inakusahan ni Alia­ngan ang mga NBI agent ng pangingikil at pagtatanim ng ebidensiya laban sa kanya.

Noong inaresto si Aliangan ay sumusuweldo ito ng P23,000 at nagmamay-ari rin ng bahay na may tatlong palapag, mga luxury vehicle at may koleksyon ng mga mamahaling relo.

Batay sa mga ulat, nasa P6.9 milyon ang narekober ng mga NBI agent sa kanyang bahay sa Sampaloc, Maynila bukod pa sa mga baril at sachet ng shabu.

Inilabas ni Judge Villanueva ang desisyon sa kaso ni Aliangan, ng kanyang misis at pamangkin noong Pebrero 11, 2020.

“In sum, there was no substantial compliance with Section 21. As such as taking into conside­ration other factual circumstances, as summarized and discussed, the Court can never be certain on the alleged drug contraband and paraphernalia were indeed found in the actual and or constructive possession of the three accused,” bahagi ng desisyon ni Judge Villanueva.