Abante Tonite Interactive

Providence Rural Bank sa Cagayan kinandado ng BSP

307

Ipinasara ng Mo­netary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Providence Rural Bank Inc. sa Camalaniugan, Cagayan na pinamumunuan ng isang Remedios C. Cusi bilang presidente.

Nagpasya ang Monetary Board na isara ang bangko noong Huwebes at ipina-takeover na ito sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) nitong Biyernes.

Ayon sa PDIC, iisa lamang ang tanggapan ng Providence Rural Bank na matatagpuan sa Brgy. Bulala sa Calamaniugan, Cagayan.

Noong Disyembre 31, 2019, may 2,431 na deposit account ito na nagkakahalaga ng P33.4 milyon. Sabi ng PDIC, 93% sa mga deposit o P31.06 milyon ay may insurance kaya’t mababayaran.

Sabi ng PDIC kahapon, babayaran lahat ng sakop ng P500,000 na maximum deposit insurance coverage.

Para sa mga indibidwal na account holder na ang balance ay nasa P100,000 pababa, hindi na nila kailangan magsumite ng deposit insu­rance claim basta wala silang utang sa bangko at hindi sila nagsilbing co-maker sa utang ng iba sa Providence Rural Bank.

Kailangan lamang nilang siguruhing tama at updated ang kanilang address na nasa libro ng bangko.

May mga kinatawan ng PDIC na mamimigay ng mailing address form sa tanggapan ng Pro­vidence Rural Bank at maaaring isumite ito sa kanila hanggang Marso 4, 2020.

Nanawagan din ang PDIC sa mga may utang sa bangko na bayaran ito kahit pa isinara na ng Monetary Board. (Eileen Mencias)

Tonite – Wendys Inhouse Ad