Abante Tonite Interactive

PRRC iaarangkada ang ‘esterorista’ shame campaign

1,778

Sisimulan na ng ­Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang pagpapatupad ng “Esterorista” shame campaign nito.

Ayon kay PRRC Exe­cutive Director Jose Anto­nio E. Goitia, layunin ng kampanya na pigilan ang walang habas na pagtatapon ng basura sa mga estero at ilog sa ­Metro ­Manila.

Sa ilalim ng nasa­bing kampanya, ang mga mapatutunayang nagtatapon ng basura sa mga estero ay lalagyan ng tatak na “esterorista” sa kanilang barangay hall, bahay at establisimyento.

Sa isinagawang forum kamakalawa hinggil sa kontra-esterorista na dinaluhan ng mga barangay official, ipaliwanag ni Goitia ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga barangay hinggil sa solid waste management.

Sinabi pa ni Goitia na ang kawalan ng edukasyon at disiplina ng mamamayan at mga establisimyento ang sanhi ng paulit-ulit na pag­tatambak ng mga basura sa mga ilog, lawa, sapa at estero na konektado naman sa Pasig River.

Ani Goitia, ang mga opisyal ng barangay ang magiging responsable sa pagtuturo ng edukasyon at tamang impormasyon sa kanilang mga nasasa­kupan hinggil sa tamang pagtatapon ng basura.

“Ginagawa na natin ang lahat, ang paglilinis at ang edukasyon ng ating mamamayan, sana makipagtulungan din ang mga opisyal ng ating barangay,” dagdag ni Goitia.