Abante Tonite Interactive

PSA: Calabarzon, NCR pinakamaraming tambay

311

Nanguna ang Calabarzon sa mga rehiyon sa bansa na may pinakamaraming walang trabaho batay sa resulta ng Labor Force Survey noong Hul­yo 2019, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) kahapon.

Sabi ng PSA, nasa 5.4% ang unemployment rate sa bansa o ang porsiyento ng mga taong naghahanap ng trabaho na walang mahanap.

Sa Calabarzon, ang unemployment rate ay nasa 7.2%.

Pangalawa naman sa pinakamaraming walang trabaho sa National Capital Region o Metro Manila kung saan ang unemployment rate ay nasa 6.1%, kasunod ang Central Visayas na 6%. Sa Western Visayas, 5.9% naman ang unemployment rate.

Ayon sa PSA, nasa 2.4 milyong Pilipinong naghahanap ng trabaho ang walang mahanap hanggang noong Hulyo 2019, mas mataas sa naitala na 2.3 milyon noong Hulyo 2018.

Sabi ng PSA, nasa 73.1 milyon ang mga taong edad 15-anyos pataas sa bansa ngunit ang labor force ay nasa 45.4 milyon.

Tanging ang mga taong naghahanap ng trabaho o may trabaho ang binibilang sa 45.4 milyon na tinatawag ng PSA na labor force participation rate na 62.1%. Hindi na kasama rito ang mga naghahanap ng trabaho na hindi makahanap kaya’t tumigil na sa paghahanap. (Eileen Mencias)