Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PSC scam buking

0 303

Ni Nancy Carvajal

Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) Martes ng umaga ang isang administrative assistant ng Philippine Sports Commission (PSC) na diumano’y utak ng scam sa suweldo at allowance ng mga atleta at coach ng ahensya.

Sinabi ni NBI Special Action Unit head Emeterio Dongallo na unang nagsagawa ng imbestigasyon ang PSC at hiniling ang tulong ng kanilang tanggapan para arestuhin ang suspek na kinilalang si Paul Michael Ignacio, isang contractual employee ng komisyon.

Nabatid na tumatanggap ang mga elite o top athlete ng P45,000 kada buwan at P10,000 para sa mga kasama sa training group.

Dinampot ng mga ahente ng NBI si Ignacio sa loob ng opisina ng PSC sa Rizal Stadium sa Maynila base na rin sa kahilingan ng PSC.

Hiniling din ng PSC na magsagawa pa ng malalimang pagsisiyasat ang NBI para matukoy kung sino ang iba pang indibidwal ang kasabwat ni Ignacio.

Ayon sa NBI, base sa inisyal na imbestigasyon, nalaman na nagawang singitan ni Ignacio ang pangalan ng mga benepisyaryo o tumatanggap ng suweldo at allowance mula sa PSC.

Napag-alaman na trabaho ni Ignacio sa PSC na tumulong sa paghahanda ng payroll at mga bayarin ng ahensya.

“The money meant for the ghost beneficiaries goes to his account,” ayon kay Dongallo.

Ang modus operandi aniya ni Ignacio ay isama ang pangalan ng mga indibidwal na dating tumatanggap ng suportang pinansiyal mula sa PSC subalit inalis na sa listahan.

Sa maiksing panayam kay Ignacio, sinabi nito na nagsimula siyang magtrabaho sa PSC noong 2012 at mag-isa lang umano siya sa ginawang iligalidad.

“Wala akong kasama, ako lang lahat `yan,” pahayag ni Ignacio sa Abante Tonite.

Ipinahayag naman ng PSC staff na magpapatawag sila ng press conference ngayong Miyerkoles para ipaliwanag kung paanong nadiskubre ang payroll scam sa ahensya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.