Abante Tonite Interactive

PSI KINATIGAN NG POC

93

Muling nanghimasok ang Philippine ­Olympic Committee (POC) sa pinag-aagawang liderato ng swimming matapos patuloy na kilalanin ang Philippine Swimming Inc. (PSI) na lehitimong national sports association sa kanila habang iti­nalaga ang dating ­national swimmer na si Gerardo ‘Ral’ Rosario bilang PSI acting president.

Si Rosario ang dineklarang pinuno ng national governing swimming body dahil sa patuloy na pananahimik at kawalan ng presensya ng dating kakampi at kapwa national swimmer at kontrobersyal na dating pangulo ng PSI na si Mark Joseph.

Pinagtibay ang hakbang ng POC caretaker committee nina retired International Olympic Commitee representative to the Philippines Francisco ‘Frank’ Elizalde, POC secretary general Stephen ‘Steve’ Hontiveros at Netball Philippines, Inc. pres. Charlie Ho, na inatasan din agad si Rosario para sa direksiyon ng PSI.

Naging pangulo na rin ng PSI si Rosario nang ang tawag pa rito noon ay Phil. Amateur Swimming Asso. kapalit ni Wilfred Steven Uytengsu, Jr. Nakuha ni Joseph ang pwesto sa eleksiyon sa Bacolod sa nakaraang buwan na rito’y napiling acting sec. gen. si Lani Velasco.

Handa rin ang POC na tanggapin ang Philippine Swimming League na pinamumunuan ng beteranang swimmer na si Susan Papa kung papayag pasailalim sa PSI.

“They just have to apply before the PSI because it’s the group that’s recognized by the POC and the International Swimming Federation or FINA. All stakeholders are welcome to join,” ani Hontiveros bago mag-Semana Santa.

Inatasan din ng POC si Rosario na i-amend ang PSI Constitution and By-Laws dahil sa sobra ang hokus-pokus na pagtanggap nito sa nais maging miyembro kung saan pinabubuo ito ng isang technical working committee para maisaayos ang kautusan ng loob ng organisasyon.

Itinakda ng POC ang Mayo 15 para makumpleto ang mga iniatas sa TWC habang mayroon pa ito hanggang Abril 17 para makapagsumite ng lineup sa 29th Southeast Asian Games 2017 sa Agosto 19-31 Kuala Lumpur, ­Malaysia.

Sakaling makapagsumite ng panibagong by-laws ang PSI, agad itong ipapaapruba sa FINA at sa POC bago tuluyang magsagawa ulit ng eleksiyon. Huling lehitimong halalan sa PSI noon pang 2010.

Ang panibagong eleksiyon sa nagdaang buwan sa PSI ang bumuo sa mga bagong mangu­nguna sa asosasyon na magpapatupad ng programa sa swimming sa bansa kabilang ang sa grassroots development.

Pero hindi ito kinilala ng POC dahil hindi dumaan sa tamang pro­seso base sa patakaran ng National Olympic Committee sa pagdaraos ng eleksiyon ng isang NSA. Pero binigyan ng tsansa ng POC si Rosario matapos makipagpulong sa ilang opisyales ng POC sa pangunguna ni Elizalde.