Abante Tonite Interactive

PSL-F2 Logistics taas-noo pa rin

117

Mga laro ngayon (MOA Arena)
10:00 a.m. – Rexona-Sesc Rio vs. Bangkok Glass (5th-8th)
1:00 p.m. – Eczacibasi VitrA vs. Vakifbank Istanbul (semis)
4:30 p.m. – Hisamitsu Springs vs. PSL-F2 Logistics (5th-8th)
7:30 p.m. – Volero Zurich vs. Pomi Casalmaggiore (semis)

Walang dapat ikahiya ang PSL-F2 Logistics Manila kahit nabokya sila sa group stage matapos yumuko sa reigning champion Eczacibasi VitrA 25-17, 25-17, 23-25, 25-14 kagabi sa pagtatapos ng preliminary round ng FIVB Women’s Club World Championship sa Mall of Asia Arena.

Yumanig sa loob ng MOA Arena nang ilista ng F2 Logistics ang kauna-unahang set win laban sa Eczacibasi VitrA na may anim na Olympians.

Tatlong service aces ang pinalo ni Jaja Santiago para itabla ang iskor sa 22-all, muling nagtabla sa 23, bago kumana ng back-to-back kills sina American reinforcements Lindsay Stalzer at Stephanie Niemer para itakas ang 25-23 panalo sa third.

Sa fourth set ginarote na ng Eczacibasi VitrA ang PSL-F2.

Nagpakita rin ng tikas ang home squad sa set 2, nahawakan ang 12-7 abante kahit halos mga Pinay ang nasa loob pero unti-unting hinabol ng Eczacibasi VitrA at tumabla sa 14 bago tuluyang tinapos ang laro.

Parehong nawalis sa tatlong sets ang PSL-F2 kontra Rexona-Secs Rio at Pomi Casalmaggiore.