Abante Tonite Interactive

‘P*tang ina! ‘Di n’yo ba ako kilala?’

0 1,155

Ex-BF ni Julia Barretto nagwala sa Makati bar

Nakakulong ngayon sa Makati City Police ang isang aktor na umano’y dating kasintahan ng kontrobersyal na si Julia Barretto at da­ting housemate ng reality game show ng higanteng television network makaraang masangkot sa isang rambulan sa Barangay Magallanes, Makati City, kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ni Police Major Gideon Ines, Deputy Chief for Investigation ng Makati City Police ang nadakip na si Karlos Lorenzo Gutierrez y Lazcanotegui, 22-anyos, binata, dating housemate ng Pinoy Big Brother sa ABS-CBN, at naninirahan sa No. 46 Samar Ave cor. Eugenio Lopez, South Triangle, Quezon City.

Kilala ang suspek bilang Kenzo, na umano’y nakarelasyon ni Barretto sa loob ng 3-buwan bago pa ito pumasok sa PBB. Siya ang naka-partner noon ng aktres sa teleseryeng ‘And I Love You So’.

Base sa isinumiteng report ni Ines, dakong ala-1:20 nang madaling-araw nang maganap ang insidente sa Karrivin Plaza, Chino Roces Ave. Ext. Barangay Magallanes ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, unang ini-report ng isang Sweenie Gorrecita, nasa hustong gulang, security guard, at naninira­han sa No. 37 Barangay Little Baguio, Meycauyan, Bulacan, sa Police Community Precinct (PCP)-4 ng Makati City Police Station ang nangyayaring kaguluhan sa nasabing lugar na umano’y kinasasangkutan ng aktor.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa pangu­nguna nina Police Staff Sgt. Allan Agbayani at Police Corp. Jhonatan De Guzman Jr. sa nasabing lugar.

Pagdating nina Agbayani at De Guzman ay naabutan pa nila ang nasabing aktor at sinubukan ng mga ito na payapain ang naturang gulo ay pinagmumura pa umano sila ni Gutierrez
Nagsabi pa itong “‘Di n’yo ba ako kilala? Fuck! P*tangina n’yo ano? Suntukan na lang tayo.”

Sinabihan pa ng aktor si Agbayani na “Sino ka? Ipapatanggal kita sa serbisyo kilala mo ba kami?”
Binitbit ng mga pulis si Gutierrez at dinala sa nasabing himpilan ng pulisya na kung saan umano’y patuloy pa rin itong nagwawala.

Napayapa na lamang ang pagwawala ng aktor nang may dumating na kaibigan at kaanak sa nasabing himpilan.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa detention cell ng Makati City Police ang aktor, at nahaharap sa kasong Alarm and Scandal and Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of Such Person.

Nabatid na si Gutierrez ay unang na introduced sa “Maalala Mo Kaya”, Wansapanataym ng taong 2010 at nakasama rin siya sa Teen edition ng Pinoy Big Brother 737 ng taong 2015 noong 18-anyos pa lamang siya.

Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya at ina­alam na rin ang insidente at kung sino ang kaaway nito. (Armida Rico)