Abante Tonite Interactive

PT&T ‘di susuko sa 3rd telco ng Mislatel-Dennis Uy

By
0 181

Tinupad ng Philippine Telegraph and Telephone Corporation (PT&T) ang kasunduan nito sa National Telecommunications Commission (NTC) na hindi ito hihingi ng temporary restraining order sa Korte Suprema subalit hindi nito bibitiwan ang petisyon nitong bawiin ang pagkakadiswalipika sa bidding para maging ikatlong telecommunication company sa bansa.

Sabi ng PT&T kahapon, kasama sa mga dokumentong isinumite nito sa selection committee ng NTC ang isang undertaking na hindi ito maghahanap ng injunctive relief o TRO.

“PT&T has and will continue to honor that undertaking,” sabi ng kompanya kahapon.

Nilinaw ng PT&T na ang hinihiling nito sa Korte Suprema ay isang writ of certiorari para mabawi ang pagkadiskwalipika nito sa bidding at maisantabi ang pagkadeklara sa China Telecom, Min­danao Islamic and Telephone Company at mga kompanya ni Dennis Uy bilang 3rd major telco.

Sa writ of certiorari, masusuri ang aksyon ng NTC o ng mas mababang korte.

Ginawa ito ng PT&T dahil inabuso ng selection committee ng NTC ang kapangyarihan nito ng pinalitan nito ang terms of reference sa kalagitnaan ng proseso. Sa pagpalit ng terms of reference, pinayagan ng NTC selection committee ang foreign telco na may 10 taong regional operations subalit hindi nito pinayagan ang parehong pamantayan sa local na telco.

Kung ginamitan din kasi ng parehong pamantayan ang PT&T, hindi ito dapat nadiskwalipika. Ayon sa PT&T, nilabag ng selection committee ang Konstitusyon na patas dapat ang proteksyon na ibinibigay at hindi pinapaboran ang dayuhan.

Dagdag pa ng PT&T, hindi naman aabot dito kung hindi inupuan ng NTC ang hinihingi nitong certification na kasama sa documentary requirements para sa bidding.

Sabi ng PT&T, kung paano pinatagal ng NTC ang hinihingi nitong certification, ganoon naman kabilis nito pinili ang grupo ng China Telecom at Mislatel kahit na wala pa itong balidong congressional franchise.