Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Public Private Partnership

0 631

Susi ang malapit na ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa mabilis na pagsulong at pag-asenso ng Taguig.

Ito rin ang magiging susi sa ating pagbangon mula sa pandemyang ito.

Ang Taguig ay isa sa mga kinikilalang sentro ng komersyo ng bansa. Matatagpuan dito ang Philippine Stock Exchange; ang headquarters ng multinational companies tulad ng P&G, Google, Facebook, Sun Life, Coca-Cola, Sony Samsung at Unilever; e-commerce companies tulad ng Shopee at Lazada; ilan sa mga pinakamalalaking kompanya sa bansa tulad ng Globe, Aboitiz at Bench; at marami pang iba.

Larawan ng magandang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor ang BGC na parte ng Barangay Fort Bonifacio sa Taguig. Sa loob lamang ng halos isang dekada ay mabilis na umusbong at nagpatuloy ang kaunlaran nito.

Nakita ng mga kompanya ang isang kaakit-akit na lugar para sa pagnenegosyo. Taglay ng Taguig ang kaayusan at seguridad, access sa mga kwalipikado at magagaling na empleyado, kahandaan sa disaster management, at malinis at maasahang kalakaran.

Sa kanilang pagpili sa Taguig, dala naman ng pribadong sektor ang trabaho, komersyo, imprastraktura at paglagong ekonomiko. Ang development dulot ng partnership na ito ay lumalaganap sa ibang mga barangay nitong mga nagdaang taon. Nag-aambag ang pagtutulungan ng gobyerno at mga negosyo sa pag-angat ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan.

Sa pagpasok ng 2020, inasahang magbibigay ng trabaho sa libu-libong Taguigeño ang dinamikong kalakalan sa BGC. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbago sa pagpasok ng COVID-19. Naghudyat ito ng isang krisis hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo.

Kung babalikan, isa sa mga unang kaso (Case No. 4) na naitala sa bansa ay nakita sa BGC. Dahil dito, maagang nakapaghanda ang Taguig. Inasahan natin simula pa lang na talagang magkakaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa BGC dahil ito ay isang Central Business District na puntahan ng mga tao, Pilipino at dayuhan.

Sa panahon ng pandemya, nasubukan at nagtagumpay ang ugnayan ng pamahalaan ng Taguig sa pribadong sektor. Mabilis kumilos at nakipagtulungan ang mga pribadong establisyemento sa gobyerno. Kitang-kita ito sa isang sumikat na kaso noong Hulyo 2020.

Maaalalang nag-report ang isang kumpanya na may mga trabahador itong nilalagnat. Sa araw ding iyon ay nakipagtulungan ang ating Disease Surveillance Team sa kanilang company doctor, management ng FBDC at Barangay Fort Bonifacio. Agarang isinailalim sa PCR Testing ang 691 na on-site workers at isinailalim sa localized lockdown ang lugar. Napag-alamang 394 ang positibo ngunit, dahil lahat sila ay nag-quarantine at mabilis ang naging ugnayan at aksyon, na-contain ang pagkalat ng virus sa loob lamang ng construction site. Walang nahawa sa labas nito at pagkatapos ng ilang linggong pakikipagtulungan, naitala ang 100% recovery rate sa mga nagkasakit. Lahat ay gumaling. Ilang linggo naman matapos ito, naibaba ng Fort Bonifacio ang kabuuang bilang ng mga kaso sa Taguig. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga aktibong kaso sa lungsod ay isa sa pinakamababa sa Metro Manila.

Ang localized lockdown sa BGC Construction Site ang isa sa pinakaunang isinagawa sa bansa. Naging modelo ito dahil naipakita ng Taguig na dahil sa koordinasyon ng pamahalaan at ng pribadong sektor, hindi kailangang tumigil ng komersyo o ipasara ng mahabang panahon ang lungsod, barangay, kalye, building o kahit opisina. Naipamalas natin na dahil sa magandang ugnayan, tiwala at pagtutulungan ay kaya na nating buksan ang ekonomiya, ibalik ang mga hanapbuhay at panumbalikin ang sigla ng mga negosyo sa gitna ng isang pandemya.

Isa rin sa mga ginawang innovation ng Taguig City ay ang pagtatalaga ng Designated Safety Officer (DSO) sa bawat rehistradong negosyo o establisyemento. May mga training, regular na pagbaba ng impormasyon tungkol sa health protocols at konsultasyon ng pamahalaang lungsod sa mahigit 10,000 na DSO sa pamamagitan ng Safe City Task Force. Sila ang mga katuwang ng siyudad upang masigurong nasusunod ang ating health and safety protocols.

Nagsasagawa rin ng regular na webinars sa ilalim ng Open For Business program para paigtingin ang koordinasyon at partisipasyon ng mga negosyo at establishments sa COVID-19 Strategy ng Taguig. Madaming natututunan ang gobyerno sa patuloy na pakikipag-ugnayan at konsultasyon sa safety officers at mga establisyemento.

Mabilis na isinagawa ang PCR testing sa lahat ng health centers sa Taguig kaya’t sa ngayon ay mayroon na tayong 31 testing sites. Upang lalo pang mapalawig ang testing ng siyudad ay inilunsad din natin ang kauna-unahang drive-thru PCR testing sa bansa sa Lakeshore sa Lower Bicutan at BGC sa Fort Bonifacio. Mayroon ding mobile testing truck na pumaparada sa mga mall, pabrika, subdivision at establisyemento.

Maaari ring tumawag sa health center o makipag-ugnayan sa kanilang safety officer. Pwedeng mag-register online ang mga residente o mga nagtatrabaho sa Taguig. Sa ngayon, mahigit 110,000 na libreng PCR tests na ang isinagawa ng lungsod mula nang ilunsad ito noong Abril ng nakaraang taon.

Sa ating paghahanda sa pagdating at pag-rollout ng bakuna, malaki ang papel na gagampanan ng pribadong sektor. Bukod sa kakayahan nilang bumili ng bakuna, katuwang din ng lungsod ang pribadong sektor para sa pagtatayo ng mga vaccination center o mga lugar kung saan magbabakuna. Bukas din naman ang lokal na pamahalaan na mag-abot ng assistance para sa Cold Chain Storage at vaccine administration sa mga kumpanyang bibili ng sarili nilang mga bakuna.

Ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan natin sa pribadong sektor. Ang target natin ay itayo ang kauna-unahang 24-hour mega vaccination center sa BGC. Hiwalay pa ito sa mahigit 40 community vaccine centers na itatatag natin sa iba’t ibang sites sa Taguig.

Ang pagbabakuna, kasama ang patuloy ng striktong pagsunod sa health protocols, ang magtatapos sa pandemyang ito.

Marami pang hamon ang maaaring dumating ngunit kung patuloy ang ugnayan, tulungan at pagkakaisa ay malalagpasan natin ang lahat ng ito.

Hindi ito kaya ng goberyno lamang! Kailangan nito ang matibay na ugnayan sa pribadong sektor at malalim na tiwala ng mga mamayan nito.

Together, we heal as one!

Leave A Reply

Your email address will not be published.