Abante Tonite Interactive

Publiko ang nagdurusa

141

editorial cartoonNagsagawa ng protesta ang ilang transport group kahapon na isinabay sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong mga paaralan sa bansa.

Ang protesta na tinawag na ‘transport caravan’ ng grupo ay isina­gawa sa ilang bahagi ng Quezon City ay nilahukan ng mga tsuper na miyembro ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Isinagawa ang protesta ng transport group bilang pagtutol sa plano ng gobyerno na i-phase-out ang mga lumang jeep.

Ibig sabihin ayaw nilang tanggalin sa kalye ang mga luma at kakarag-karag na mga pampasaherong mga jeepney.

Nirerespeto natin ang ipinaglalaban ng nasabing transport group. Karapatan nilang maglahad ng kanilang saloobin lalo na kung makakaapekto sa kanila ang planong ito ng gobyerno.

Ang hindi lang natin masang-ayunan sa ginawa ng transport group ay isinabay ang kanilang protesta sa pagbubukas ng klase kung saan ay alam naman nilang simula na naman ng pagsisikip ng trapiko. Pero sa kabila nito ay ginawa nila ang rally sa mismong araw ng pagbabalik-eskwela.

Ang sa amin, sana ay isinasaalang-alang ng transport sector ang kapakanan ng publiko at mga commuters sa pangkabuuan dahil public service sila kaya dapat ay prayoridad nila ang kapakanan ng publiko.

Para sa amin, maari naman kayong mag-usap, magdayalogo nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng publiko.