Abante Tonite Interactive

Publiko pinag-iingat sa Biogesic

2,340

Binigyan ng babala ng Food and Drugs Admi­nistration (FDA) ang publiko laban sa pagbili ng paracetamol na Biogesic, matapos matuklasang pinipeke ng ilang kawatan ang naturang produkto.

Nakasaad sa inilabas na advisory ng FDA, maaaring makasama sa kalusugan ang pag-inom ng pekeng Biogesic.

Sa pagsusuri ng FDA kasama ang Marketing Authorization Holder, Unilab Laboratories, Inc., napatunayan nilang ang nasabing produkto ay pinepeke kaya’t dapat na tiyaking orihinal na produkto lamang ang bibilhin.

Makabubuti rin umano kung sa mga kilala at lisensiyadong pamilihan lamang bumili ng naturang produkto, para matiyak na hindi peke ang gamot na mabibili.

“Ang lahat ng healthcare professionals at publiko ay binabalaan tungkol sa paglipana ng nasabing pekeng gamot sa merkado na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito. Ang publiko ay pinapaalala­hanan ring bumili lamang sa mga establisyamentong lisensyado ng FDA,” bahagi ng advisory ng FDA.

“Gayundin, ang lahat ng establisyimento ay binabalaang huwag magbenta nitong napatunayang pekeng gamot na nagtataglay ng mga nasabing katangian.

Ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay tahasang paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at Republic Act No. 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs, samakatuwid may kaukulang parusang ipapataw,” dagdag pa ng FDA.

Hinikayat rin ng FDA sa lahat ng Local Government Units (LGUs) at Law Enforcement Agencies (LEAs) na tiyaking ang mga naturang pekeng produktong ito ay hindi maibebenta o magagamit sa kanilang mga nasasakupan.