Abante Tonite Interactive

Puerto Galera rehabilitation kinasa

0 95

Isusunod na rin ng Department of Environment and Natural Resour­ces (DENR) na isailalim sa rehabilitasyon ang Puerto Galera para mapangalagaan ang lugar na isa sa kinikilalang ‘prime tourism destination’ sa bansa.

Inatasan ni DENR Secretary Roy Cimatu si DENR Mimaropa Regio­nal Executive Director Henry Adornado na maglagay ng tanggapan sa natu­rang lugar upang matiyak na mapa­ngangalagaang mabuti ang sikat na tourist destination.

Inatasan din nito si Adornado na ayusin ang paglipat ng regional office mula sa Roxas Boulevard sa Maynila papunta sa Calapan City sa Oriental Mindoro batay na rin sa nakasaad na probisyon ng Republic Act 10879 na nagsasabing dito ilagay ang regional center ng MIMAROPA
Nabatid na may binuo nang Task Force Puerto Galera noong Pebrero 2018 na layuning pangunahan ang paglilinis sa isla at tiyakin na maipa­tutupad ang implementasyon ng mga environmental law dito.

“What we did and are doing in Boracay and Manila Bay, we will replicate in Puerto Galera,” sabi ni Cimatu.

Nagpasalamat din ang kalihim kay Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan sa pakikipagtulungan nito sa rehabilitasyon ng isla at ang pagpapatayo ng treatment plant sa Barangay Sabang upang matugunan ang problema sa water pollution.

Sa mga nakalipas na taon ay tumataas ang level ng coliform sa Sabang Bay dahil na rin sa pagdami ng mga negosyo sa kahabaan ng easement zone na nagtatapon ng wastewater sa dagat at ang kawalan ng wastewater treatment facility sa isla. (Riz Dominguez)