Abante Tonite Interactive

Pugot na ulo, manikin pala

By
414

Na-‘wow mali’ ang mga residente at mga pulis-Maynila sa isang bara­ngay sa Tondo nang matagpuan ang isang ­pugot na ulo sa gilid ng kalsada na kalaunan ay natuklasang manikin lang pala, kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.

Nabatid sa ­Facebook post ni Barangay ­Chairwoman Lourdes Gutierrez ng Barangay 163 Zone 14, ini-report sa barangay ng isang ­concerned citizen ang nakitang pugot na ulo ng isang babae na nakabalot pa ng puting tuwalya at medyo natatakpan ang mukha dakong alas-5:30 ng hapon sa may Juan Luna St., malapit sa Lakandula High School sa Tondo.

Pinagkaguluhan na ng mga usisero ang naturang pugot na ulo at tiyempo namang may napadaan na nakamotorsiklong pulis kaya agad naitawag sa Manila Police District-Police Station 1 at Station 7, na mabilis namang rumes­ponde.

Pagdating sa lugar ay hinarangan ng mga pulis ang lugar dahil dinumog na ito ng mga nag-uusyoso.

Ayon kay Chairwo­man Gutierrez, noong una ay ayaw pang ipagalaw ng pulis ang pugot na ulo pero napansin nito na ‘fake’ o ‘manikin’ lang ito kaya agad nitong iniangat ang ulo at nakitang manikin nga.