Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis bad trip sa ingay, binoga binata

0 52

Namatay ang isang binata matapos pagbabarilin ng pulis sa harapan ng isang sari-sari store sa Brgy. San Vicente, Bacolor, Pampanga noong Sabado.

Ayon sa pulisya, namaril ang pulis dahil umano sa ingay ng kuwentuhan at paglabag sa health protocols ng biktima at mga kaibigan nito. Banggit naman ng kaibigan ng biktima, nabanas ang suspek dahil kinantiyawan nila ito sa nililigawan na bantay ng tindahan.

Kinilala ng Pampanga Police ang biktimang si Abelardo Vasquez Jr., 19-anyos, at residente ng nasabing lugar.

Sa report, agad isinugod sa Diosdado Macapagal Memorial Hospital sa Guagua ang biktima subalit namatay din kalaunan dahil sa tama ng bala sa leeg at katawan.

Samantala, ang suspek ay nakilalang si Police Corporal Alvin Pastorin, 33, residente ng Brgy. Pogomboa, Aguilar, Pangasinan at nakadestino sa Bacolor Police Intelligence Unit.

Ayon sa imbestigasyon, kasama ng biktima ang apat niyang kaibigan nang sitahin sila ng suspek sa harapan ng isang tindahan dahil lasing umano ang mga nauna at walang mga suot na face mask, alas-1:30 ng madaling-araw.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang paninita ay sinasabing nauwi sa murahan at suntukan. Dahil umano sa agrabyado ang pulis sa dami ng ‘kalaban’ ay tumakbo siya papunta ng kotse at doon kinuha ang kanyang baril.

Matapos paputukan si Vasquez ay nagtakbuhan na umano ang mga kasamahan nito.

Sa kabilang dako, sinabi ng isa sa mga kasamahan ng biktima na hindi sila lasing at napadaan lang sa tindahan kung saan umiinom ang suspek.

Aniya, nanliligaw ang pulis sa dalagang nagbabantay ng tindahan at matagal na umano nilang alam ang panliligaw nito. Dito pabirong nagsigawan ang magbarkada ng katagang “Walang forever!” na ikinagalit umano ng suspek kaya pinagbabaril ang biktima.

Nasa kustodiya na ng Bacolor Police ang salarin habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente. (Rudy Abular/Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.