Abante Tonite Interactive

Pulis binaril ng tulak sa buy-bust

By
957

Malubhang nasuga­tan ang isang operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) nang barilin ng tulak ng shabu na aarestuhin sana niya sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City kamakalawa nang gabi.

Ginagamot ngayon sa Quezon City General Hospital ang biktimang si PO1 Jonathan Peralta, 32-anyos, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Station, bunsod ng tama ng bala sa likod.

Nakatakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas na ‘Dekdek’ matapos ang pamamaril.

Sa inisyal na report, dakong alas-nuebe nang gabi nang maganap ang insidente sa Brgy. Bahay Toro.

Nagsagawa umano ang buy-bust operation ng mga tauhan ng SDEU ng QCPD-Talipapa Station sa lugar para mahuli ang target na si alyas ‘Dekdek’ na kilalang tulak ng shabu sa nasabing barangay.

Subalit nakahalata ang suspek na pulis ang ka-transaksiyon kaya’t bumunot ng baril at agad na pinaputukan si PO1 Peralda.

Sinamantala naman ni Dekdek ang pangyayari at mabilis na tumakas habang isinugod naman ng kanyang mga kasamahan sa ospital ang biktima.

Agad namang nagsagawa ng ‘manhunt operation’ ang Talipapa police upang madakip ang nakatakas na suspek.