Abante Tonite Interactive

Pulis binentahan ng shabu ni titser

0 580

Arestado ang isang 40-anyos na high school teacher matapos magbenta ng shabu sa isang pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Dalaguete, Cebu, Biyernes ng umaga.

Ayon kay PSSg. Bricel Ricaborda, ng Dalaguete Police, nakilala ang suspek na si Roy Ysao, 40, high school teacher ng Dalaguete National High School, residente ng Sitio Lalin, Brgy. Poblacion, Cebu.

Nahuli ang suspek nang magbenta ng P1,000 halaga ng shabu sa isang police undercover sa tapat mismo ng paaralan bandang alas-nuwebe Biyernes ng umaga.

Nabatid na inimbes­tigahan ng Municipal Station Drug Enforcement Group ang kilos ng guro makaraang makatanggap ng tip na nagbebenta rin ito ng shabu sa kanyang mga estudyante. Matapos ang ilang linggong surveillance ay isinagawa ang buy-bust at nakumpiska sa guro ang isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalagang mahigit P2,000.

Nakakulong na ngayon si Ysao at nahaharap sa kaso. (Vick Aquino)