Abante Tonite Interactive

Pulis-CIDG tinumba sa harap ng bahay

By
582

Masusing iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police ang pamamaslang sa isang pulis na miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na pinagbabaril pagbaba sa kanyang van sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Caniogan, Pasig City Huwebes nang gabi.

Batay sa nakalap na ulat mula sa Eastern Police District (EPD), bandang alas-11:45 ng gabi nang pagbabarilin ang biktimang si PO2 Manuel Melendrez y Maaba, 48-anyos, pagbaba sa kanilang Starex van sa loob ng compound ng bahay nila sa Brgy. Caniogan.

Kasama ng biktima ang kanyang misis na si Shirley nang maganap ang krimen.

Ayon sa ginang, u­nang bumaba ang kanyang mister sa kanilang sasakyan at bigla na lang siya nakarinig ng putok ng baril hanggang sa nakita niyang nakabulagta na ang biktima.

Mabilis umanong rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 na malapit sa lugar makaraang marinig ang putok ng baril pero hindi na inabutan ang bumaril sa biktima.

Isinugod ang biktima sa Tricity Medical Center pero idineklara ito na dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Claire Brocales.

Inoobserbahan naman ang misis ng biktima na na-shock sa sinapit ng kanyang mister.

Ayon sa pulisya, walang nakakita sa suspek at inaalam pa kung may CCTV camera na nakalagay sa paligid.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni Senior Inspector Joseph Logronio, nakakuha ng tatlong basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.

Samantala, batay sa mga ulat, may rekord na rin umano ang biktima na nahuli sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Nabatid na noong Mayo 2000 ay kabilang ang pangalan ni Melendrez sa tatlong suspek na iniulat na inaresto sa isang anti-illegal drugs operation sa Cardona, Rizal.