Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis doble sahod na, nagloloko pa – Ping

0 668

Nagtataka si Senador Panfilo `Ping’ Lacson kung bakit mayroon pang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na naliligaw ng landas at nasasangkot sa iligalidad sa kabila ng dinoble na ang kanilang suweldo at dinagdagan pa ang mga benepisyo.

Ipinahayag ito ni Lacson sa eksklusibong panayam ng Abante Radyo Tabloidista Sabado ng umaga nang matanong tungkol sa kaso ng dalawang pulis sa Ilocos Sur na inaresto dahil sa rape-say sa isang 15-anyos na dalagita kung saan napag-usapan din ang mga alagad ng batas na naliliko ng landas.

“Nagdoble ang suweldo ng pulis natin pati ang retirees, nagdoble ang mga pension. So ang mga pulis dapat mahalin nila [ang trabaho],” ani Lacson.

Ani Lacson, nagtataka siya kung bakit sa kabila ng lahat ng pabor at benepisyon gayundin ang atensyong ibinibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kapulisan ay mayroon pang naliligaw ng landas katulad aniya ng nangyari sa dalawang pulis sa Ilocos Sur.

“Dapat mahal na mahal na nila ang kanilang trabaho. Ang patrolman, P30K, saan ka makakahanap ang entry level P30K, may allowances pa at lahat. Dapat mahalin nila at mahiya sila sa balat nila dahil lahat ng benepisyo binibigay sa hanay nila,” ani Lacson.

Sang-ayon si Lacson sa deskripsyon aniya ni PNP Director General Archie Gamboa sa dalawang pulis na sangkot sa rape-slay sa Ilocos Sur.

“Kaya ang mga pulis na gumagawa ng ganoon talagang kulang sa pag-iisip. Kung hindi man talagang tama ang description ni CPNP Gamboa na parang mga hayop ang mga ito na wala sa wastong pag-iisip at dapat talaga mawala agad sa serbisyo,” aniya pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.