Abante Tonite Interactive

Pulis na bumaril kay colonel tigok sa mga kabaro

570

Patay ang pulis na bumaril sa kanyang hepe matapos na makipagbarilan umano sa mga kabaro na tumutugis sa kanya sa Bunawan, Agusan del Sur, Linggo ng umaga.

Dineklarang dead o-the-spot ang suspek na si Patrolman John Paul Gerida, 28, nakatalaga sa 2nd ADS Police Mobile Force Company ng Agusan Police Provincial Office.

Nangyari ang engkuwentro dakong alas-10:35 ng umaga sa Purok 5, Brgy. Consuelo, Bunawan kung saan nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa suspek na binaril sa ulo ang kanyang hepe na si Police Lt. Col. Rex Lomenta.

Sa halip na mapayapang sumuko, nauna pa umanong nagpaputok ng baril ang suspek nang makita ang mga kasamahang aaresto sa kanya dahilan upang gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta sa pagkamatay ni Gerida.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 baril na kargado ng magazine at dalawang basyong bala nito.

Matatandaang binaril ni Gerida ang kanyang hepeng si Lomenta sa kanilang presinto sa Purok 1, Bunawan dakong alas-9:25 ng gabi noong Biyernes matapos na magtalo sa hindi pa batid na bagay.

Tumakas si Gerida matapos ang ginawang pamamaril sa kanyang hepe habang nasa malubhang kalagayan naman si Lomenta sa Tagum Regional Hospital. (Edwin Balasa)