Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pulis na gunrunner dedo sa kabaro

0 158

Nasawi ang isang pulis na sangkot umano sa isang gunrunning syndicate matapos manlaban sa mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa isinagawang operasyon, Sabado sa Placer, Masbate.

Kinilala ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang napatay na pulis na si Police Staff Sgt. Grafilo Pahilino Jr., nakatalaga sa Cataingan Municipal Police Station.

“Isa ang Masbate sa may mahabang kasaysayan ng karahasan tuwing eleksiyon at naniniwala ako na ang matagumpay na operasyon ng IMEG laban kay Police Staff Sgt. Grafilo Pahilino Jr. ay may malaking epekto sa pagpapakalat ng mga armas na maaaring gamitin sa darating na halalan,” ayon sa hepe.

Sa ulat na nakarating kay Eleazar, Sabado ng umaga nagsagawa ng entrapment operation ang IMEG laban sa suspek na pulis. Nagbenta umano ito ng tatlong kalibre .38 at isang kalibre .45 baril sa poseur buyer sa halagang P25,000.

Matapos na magpalitan ng pera at baril ay agad inihudyat ng poseur buyer ang pag-aresto sa suspek subalit nakatunog ang huli dahilan upang bumunot umano ito ng baril at makipagpalitan ng putok sa awtoridad dahilan ng kanyang kamatayan.

Ayon sa IMEG, sinasabing konektado rin si Pahilino sa Bustillos Drug Group at hinihinalang protektor din ng ilang drug suspek sa lalawigan.

Maliban sa mga armas na ibinenta ni Pahilino sa poseur buyer, nakuha rin ng mga pulis ang service firearm nito na 9mm pistol na may dalawang extra magazine at buy-bust money. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.