Abante Tonite Interactive

Pulis na nanakit ng binatilyo arestuhin — MPD chief

266

Inutos ni Manila Police District (MPD) director Police Brig. Gen. Bernabe Balba ang pag-aresto sa isa niyang tauhan na nag-viral sa social media dahil sa ginawang pananakit sa isang 12-anyos na binatilyo na nakasira sa side mirror ng kanyang sasakyan sa Pandacan, Maynila kamakailan.

Sinabi ni Balba na sa sandaling mapatunayang guilty ang suspek na si PMSg. Dennis Piad, nakatalaga sa Manila District Traffic Enforcement Unit at taga-Kahilum 2, Pandacan, Maynila ay mahaharap ito sa pagkasibak sa serbisyo.

Tiniyak ni Balba na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon laban kay Piad dahil hindi umano niya kukunsintihin ang ma­ling gawain ng kanyang mga tauhan.

Ala-una ng hapon noong Nobyembre 13 nang makita ni Piad na nasira ng hindi na pinangalanang binatilyo ang salamin ng kanyang sasakyan.

Sinaktan ng pulis ang binatilyo habang pinagmumura rin ito hanggang sa puntahan ng kanyang ina at inawat si Piad.

Desidido umano ang ina ng biktima na kasuhan si Piad ng paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act dahil sa mga tinamong pasa sa katawan ng kanyang anak. (Juliet de Loza-Cudia)